Umabot na sa 44 na pasyente ang itinakbo sa Rizal Medical Center sa Pasig City matapos silang ma-food poison sa kainain na handa sa isinagawang 90th bday party ni dating first lady Imelda Marcos.
Ang iba pang mga biktima ay isinugod din sa marami pang mga ospital.
Inilahad sa Bombo Radyo ng isa sa mga biktima na si Vicente Busako, 49, miyembro ng Maharlika Marcos Loyalist, bandang alas-8:00 ng umaga nang iabot sa kanila ang isang lalagyan na may lamang pagkain na adobong manok, itlog at kanin.
Napansin na raw nito na may ibang lasa ang kaniyang kinakain ngunit nagpatuloy pa rin ito sa pagkain gawa ng sobrang gutom.
Ilang minuto lamang ay naramdaman na nito ang sobrang pananakit ng tiyan, pagkahilo, at pagsusuka.
Ang iba naman niyang mga kasama ay nakaranas nang pagtatae.
Kinumpirma naman ni Department of Health Secretary Francisco Duque na nagmula sa bacteria ang dahilan ng pagkakalason ng mga bisita.
Ayon sa kalihim marahil daw ay hindi wastong storage ng pagkain ang naging dahilan upang ma-develop ang bacteria.
Hinihinalang “staphylococcus aureus” ang bacteria na na-develop sa mga pagkain.
Kadalasan itong nakikita sa mga pagkain na hindi wasto ang paghahanda o kaya naman ay napanis.
Nananawagan naman si Duque sa iba pang nakakain ng nasabing handa na huwag nang hintayin na lumala pa ang kanilang nararamdaman at kaagad nang magpatingin sa pinakamalapit na ospital.
Sa ngayon ay isinailalim na sa hydration ang mga pasyente upang maibalik ang nawalang tubig na kinakailangan ng kanilang mga katawan.
Sa huling pagtala ng mga otoridad umakyat pa sa 264 ang bilang ng mga nabiktima sa naturang food poisoning.