CAUAYAN CITY – Nagtakda ng 45 araw ang pamunuan ng Bureau of Fire Protection (BFP) National Headquarters para tapusin ang imbestigasyon sa pagkasunog ng Star City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire C/Insp. Jude Delos Reyes, spokesman ng BFP National Headquarters, sinabi niya na sinimulan na kahapon ng binuong team ang 45 araw na imbestigasyon.
Ayon kay Delos Reyes, hindi pa nila maaaring sabihin na sinadyang sunugin ang nasabing amusement park dahil nagsisimula pa lamang ang imbestigasyon.
Samantala, inihayag din ni Delos Reyes na nakahanda ang kanilang pamunuan na isailalim sa imbestigasyon ang kanilang mga bombero kaugnay sa sinasabing nawawalang pera at mga kagamitan ng opisyal ng isang establishment.
Pinayuhan nila ang establishment na hilingin sa Philippine National Police na magsagawa ng hiwalay na pagsisiyasat tungkol sa mga nawawala nilang gamit at pera para maging patas ang imbestigasyon.