Nasa 1,535 police personnel na sangkot sa iba’t ibang iligal na aktibidad ang nasa watchlist ng Philippine National Police-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF).
Ayon kay PNP-CITF chief Pol. S/Supt. Jose Chiquito Malayo, sa nasabing bilang na mga tinaguriang police scalawags, 358 rito ay police officers habang 1,177 ay mga Police Non Commissioned Officers (PNCOs).
Ito aniya ngayon ang subject ng kanilang validation and monitoring at kapag may nakita silang ebidensiya, agad nilang ikasa ang entrapment operation.
Ang mga nasabing pulis ay sangkot sa extortion, illegal drugs at protection.
Kabilang sa mino-monitor ng CITF ang isang star rank police officer ngunit tumanggi si Malayo na sabihin kung saan ito nakadestino.
Batay sa datos ng CITF, ang pinakamataas na ranggo na naaresto nila ay chief inspector.
Habang sa PNCOs karamihan sa mga sangkot ay PO1 at PO3.
Inihayag pa ni Malayo na ang may pinaka maraming reklamo laban sa mga pulis ay mula sa National Capital Region Police Office.
Dagdag pa nito na sa nakalipas na 12 buwan sa pag-operate ng CITF, nasa 60 police scalawags ang kanilang nadakip dahil sa pagkakasangkot sa iba’t ibang iligal na aktibidad.
Habang 65 iba pa ang sinampahan ng administrative cases.