-- Advertisements --

Sumabog habang nasa kasagsagan ng ikawalong test flight ang inilunsad na 400-foot tall na Starship megarocket ng American astronautics company na SpaceX nitong gabi ng Huwebes.

Nagdulot naman ito ng mga pagkaantala sa air taffic sa Florida, USA matapos ipag-utos sa mga paliparan ang pansamantalang ground stop o pananatili sa ground ng lahat ng aircraft sa estado ng Florida dahil sa pagbagsak ng mga debris mula sa sumabog na rocket kasunod ng insidente.

Kabilang sa naapektuhan ang mga flight sa Fort Lauderdale-Hollywood International Airport, Miami International Airport, Palm Beach, at Orlando airports

Sa kasagsagan ng pagsabog, agad naglabas ng Debris Response Area ang Federal Aviation Administration (FAA) na nagpatigil sa mga eroplano na pumasok sa restricted areas kung saan bumagsak ang space vehicle debris ng rocket.

Sa update ng ahensiya, bumalik na aniya ang normal na operasyon sa mga paliparan.

Ayon naman sa SpaceX, bumagsak ang “surviving debris” sa itinalagang Debris Response Area. Wala din aniyang toxic mula sa mga debris at walang inaasahang malaking epekto sa mga lamang dagat o kalidad ng tubig.

Una rito, makikita sa video na kumalat sa social media ang pagsabog at pagbagsak ng mga debris mula sa rocket.

Inilunsad ang uncrewed Starship test flight dakong alas-6:30 ng gabi eastern time mula sa Starbase facility ng SpaceX sa South Texas subalit ilang segundo pa lamang ang nakakalipas, nawalan ito ng signal sa kasagsagan ng test flight at sumabog sa ere sa mga isla ng Turks at Caicos kung saan nahulog ang mga debris at tinamaan ang isang kotse.

Pinaiimbestigahan naman ng Federal Aviation Administration sa kompaniya ang insidente. Bilang tugon, nangako ang SpaceX na magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon sa nangyari sa pakikipagtulungan sa FAA at magpapatupad ng mga aksiyon para maitama at mapahusay pa ang kanilang flight tests sa hinaharap.

Ang Starship ay may mahalagang papel sa National Aeronautics and Space Administration (NASA) dahi ito ang pinili bilang transport o vehicle na magdadala sa mga astronauts sa final leg ng kanilang biyahe patungo sa buwan na tinatawag na Artemis III, na pinaplanong isagawa sa 2026.