Inihain sa Senado ang isang resolusyon na naglalayong maideklara ang State of Calamity sa bansa, dahil sa African Swine Fever.
Sa Senate Resolution 565 na inihain ni Senator Francis Tolentino, nakasaad dito ang pagkalat ng ASF sa mga babuyan, na umabot na umano ng hanggang 54 na probinsya. Ang nasabing bilang ay mahigit kalahati sa kabuuang 82 na probinsya sa buong bansa.
Inihalimbawa rin ng Senador ang babala ng Philippine Chamber of Agriculture and Food na patuloy na pagtaas sa presyo ng kada kilo ng karneng baboy sa maraming pamilihan, dahil sa manipis na supply.
Nakasaad din sa resolusyon ang nauna nang pagkumpirma ng Department of Agriculture na maaaring kapusin ang supply ng karne ng baboy sa bansa, sa darating na buwan ng Hunyo..
Posible umanong abutin ito ng hanggang sa 46, 000 metric tons na kakulangan. Habang ang demand sa karne ng baboy ay umaabot sa 145,000 metric tons.
Katwiran ng Senador na kapag naideklara ang State of Calamity sa bansa, maaaring magamit ng DA, mga LGUs, at iba pang nakalinyang ahensya, ang kanilang quick response fund, kasama na ang pondo para makagawa ng aksyon at program para matugunan ito.
Maaari ding magamit ang pondo aniya sa pagtugon sa pagkalugi ng mga magbababoy sa buong bansa, dahil sa ilang taon na apektado ng ASF ang buong bansa.
Taong 2019 nang unang madetect ang ASF na kumalat sa 458 na mga bayan, hanggang sa maapektuhan ang maraming mga probinsya.