BAGUIO CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng mga bayan sa Abra na isinailalim sa State of Calamity dahil sa tatlong linggong nararanasang malakas na pag-ulan dahil sa habagat.
Kahapon lamang ay idineklara ang state of calamity sa Lacub dahil sa epekto doon ng habagat kung saan hanggang ngayon ay isolated ang nasabing bayan.
Na-isolate ito matapos matabunan ng malaking pagguho ng lupa ang bahagi ng kalsada na nag-iisang daan papasok at palabas ng Lacub maliban pa sa nararanasang pagbaha dahil sa pag-apaw ng mga sapa at ilog doon.
Samantala, kinumpirma din ni Mayor Corinthia Crisologo ng Tineg, Abra na plano ng lokal na pamahalaan doon na ideklara ang state of calamity.
Aniya, sa ngayon ay 10 na bayan sa Tineg ang nananatiling isolated at walang makapasok at makalabas doon dahil sa malaking insidente ng landslide sa Vira-Madegnak Road.
Samantala, ibinabala ng Cordillera Regional DRRM Council ang mas marami pang pagguho ng lupa sa rehion dahil masyado ng saturated ang lupa sa mga bundok dulot ng patuloy na pag-ulan sa Baguio, Benguet, Abra, Kalinga at Mountain Province.
Batay sa datus, mula noong July 27 ay umaabot na sa 973.36mm ang rainfall amount na naitala sa buong rehion.
Ayon kay Albert Mogol, chairman ng Cordillera RDRRMC, hindi na mahawakan ng lupa ang tubig.
Sa ngayon, aabot na din sa 17,199 na mga pamilya na binubuo ng higit 66,000 na katao ang apektado sa Cordillera dahil sa habagat.