CENTRAL MINDANAO – Isinailalim sa state of calamity ang isang bayan sa probinsya ng Cotabato dulot ng African swine fever (ASF) sa mga alagang baboy.
Bago lang ay inaprubahan sa isinagawang sesyon ng sangguniang bayan ng M’lang, Cotabato ang resolusyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) na isailalim sa state of calamity ang bayan dahil sa epekto ng ASF.
Pakay nito na magagamit na ng LGU ang kanilang 4th Quarter Quick Response fund na aabot sa P4.1 milyon.
Unang sinabi ni MDRRMC officer Bernardo Tayong na magbibigay ng cash assistance ang LGU sa mga apektadong magsasaka lalong-lalo na ang nasa ground zero.
Unang tumama ang ASF sa pitong barangays at ngayon ay nasa tatlong barangays na lamang ang mino-monitor.
Umaabot sa 45 na mga alagang baboy ang isinailalim na sa culling, 32 nito mula sa slaughter house, walo sa Barangay New Antique at tatlo sa Barangay New Lawaan.
Sa ngayon ay patuloy pa ang ginagawang validation ng incident command team para i-assess kung ilan ang bilang ng mga hog raisers na naapektuhan ng ASF.