TUGUEGARAO CITY – Isinailalim na ni Governor Manuel Mamba sa state of calamity ang lalawigan ng Cagayan dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).
Sinabi ni Mamba, ito ay bilang tugon sa lumalalang kaso ng COVID-19 at para magamit ng lalawigan, maging ng mga barangay, ang kanilang calamity fund.
Ayon sa kanya, kailangan ang pondo para matulungan ang mga maaapektuhan sa banta ng virus lalo na sa pagkain.
Binigyang-diin ni Mamba na kailangan ang kagyat na aksyon para higit na matugunan ang banta ng virus kaya hindi na niya hinintay ang pag-apruba ng Sangguniang Panlalawigan para ideklara ang state of calamity.
Kaugnay nito, muling umaapela ang gobernador sa lahat na kailangan ang kooperasyon upang maiwasan na makahawa ang mga posibleng carrier ng virus at para maiwasan na kumalat pa ang nasabing sakit.
Sinabi ni Mamba na kung walang importanteng lakad ay mas mabuting manatili na lamang sa mga tahanan upang hindi na maging kasangkapan pa para kumalat ang COVID-19.