Isinailalim na ang bayan ng Caluya sa Antique sa state of calamity dahil sa nararanasang oil spill sa karagatan matapos ang paglubog ng motor tanker Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro.
Kasunod ito ng isinagawang special session ng Sangguniang Bayan upang mas mapapabilis pa ang pagpapalabas ng pondo para sa response operations ng Local Government Unit.
Mino-monitor rin ang epekto nito sa P79-million seaweed industry sa naturang bayan na siyang nagbibigay ng hanapbuhay sa 99% ng 11,000 na fisherfolks sa area.
Sa latest record mula sa Philippine Coast Guard, higit 800 na mga pamilya na ang apektado ng tagas ng langis sa 4-kilometer coastline ng Sitio Sabang, Barangay Tinogboc at 2 kilometers sa Barangay Semirara sa Semirara Island; 2 kilometers sa Sitio Liwagao, Barangay Sibolo at Liwagao Island sa bayan ng Caluya.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Lieutenant Commander Jansen Benjamin, spokesperson ng Philippine Coast Guard- Western Visayas District, sinabi nito na dumating na sa lalawigan ang expert mula sa International Tanker Owners’ Pollution Federation upang makita ang malawakang epekto ng pagtagas ng langis.
Ayon kay Benjamin, inihayag ng eksperto mula sa France na may contractor na magsasagawa ng clean-up activity sa mga lugar na apektado ng oil slick.