MANDAUE CITY – Isinailalim na sa state of calamity ang Barangay Looc sa lungsod ng Mandaue, matapos ang nangyaring malaking sunog sa Sitio Paradise sa nasabing barangay.
Inihayag ni Looc Barangay Captain Allan Siazon na ang emergency funds ay gagamitin sa pagbili ng mga pagkain at iba pang mga basic needs ng mga biktima.
Ayon kay Siazon na kailangan ang pagdeklara ng state of calamity dahil hanggang bukas na lang ang pagbigay ng pagkain ng Mandaue City Social Welfare and Services.
Sa ngayon, nasa Mandaue City Central School at Cesar M. Cabahug Elementary School temporaryong nakasilong ang halos 3,000 mga indibidwal na biktima ng nasabing sunog.
Kung maalala, kahapon ay inihayag ni Mandaue City Mayor Jonas Cortes na hindi na kailangan ang pagdeklara ng state of calamity dahil diumano’y isang sitio lang ang apektado.