-- Advertisements --

Nagdeklara ng state of calamity ang 20 lugar sa Luzon matapos ang pananalasa ng 3 nagdaang bagyong Nika, Ofel at Pepito.

Base sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Martes, nasa 11 lugar sa Cordillera Administrative Region (CAR) ang inilagay sa state of calamity, 8 sa Cagayan Valley at 1 sa Central Luzon.

Kabilang dito ang probinsiya ng Quirino na dinaanan ng nagdaang Super Typhoon Pepito kung saan 6 na munisipalidad ang nagdeklara ng state of calamity.

Sa Isabela naman, nagdeklara din ng state of calamity ang Santiago at Cabagan habang sa Aurora, nasa state of calamity ang Dilasag.

Nasa 10 munisipalidad naman ang nakalagay sa State of Calamity sa Mountain Province at sa Aguinaldo, Ifugao.

Samantala, bilang tugon sa mga naapektuhang mga residente nakapagpamahagi na ang pamahalaan ng nasa P54 million na halaga ng tulong.