KALIBO, Aklan—Isinailalim sa state of calamity ang lalawigan ng Aklan dahil sa alarming na pagkalat ng African Swine Fever o ASF virus.
Kasunod ito sa naging urgent request ni Aklan governor Jose Enrique Miraflores dahil nagkalat na sa pitong bayan ang virus na kinabibilangan ng Balete, Tangalan, Makato, Numancia, Kalibo, Batan, at New Washington.
Ginawa ang deklarasyon sa bisa ng resolution na inaprubahan ng 19th Sangguniang Panlalawigan ng Aklan sa pagpanguna ni Vice Governor Atty. Reynaldo Quimpo sa ginanap na special session.
Una rito, kinumpirma ni Dra. Mabel Señel ng Office of the Provincial Veterinarian (OPVET) na kabubuang 426 na mga baboy ang kanilang sinunog dahil infected ang mga ito ng virus habang ang ilan ay na-expose.
Sa nasabing bilang, 288 ang mula sa bayan ng Balete at 138 ang sa munisipalidad ng Tangalan.
Kaugnay nito, upang hindi na magkalat ang virus sa iba pang bayan ay kaagad ipinatupad ang total banning sa pagpasok ng mga live weight na baboy o anumang produktong karne ng baboy maging processed at frozen products.
Hindi makalabas sa nasabing mga bayan ang baboy kung kaya’t ang kanilang produkto ay sila rin mismo ang kokonsumo nito.
Sa kasalukuyan, halos lahat na LGU’s sa probinsya ay nagpalabas ng mandato na higpitan ang striktong implementasyon ng kanilang border control checkpoint.