CAUAYAN CITY – Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Isabela dahil sa epekto ng African Swine Fever (ASF) at para makapagpatupad ng mga hakbang laban sa coronavirus disease (COVID-19).
Nagpatibay ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan na nagdedeklara na ilalagay ang Isabela sa state of calamity dahil sa epekto sa local economy at sa pagdeklara na ni Pangulong Rodrigo Duterte ng state of public health emergency sa bansa dahil sa local transmission ng COVID-19.
Nagdulot ang mga kaso ng ASF ng malaking epekto sa ekonomiya ng Isabela at sa kabuhayan ng mga hog raisers at negosyante na nagbebenta ng mga meat products.
Umabot na sa 32 barangay mula sa 14 na bayan sa Isabela ang may kaso ng ASF.
Nakasaad sa Resolution no 2020-09-4 series of 2020 na sa pamamagitan ng pagdedeklara ng state of calamity sa Isabela ay makapagpatupad ng hakbang ang mga bayan, lunsod at provincial government para maibsan ang epekto ng ASF at mapangalagaan ang public health, safety at security kontra sa COVID-19.