-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Isinailalim sa state of calamity ang bayan ng Matanog sa Maguindanao dahil sa mahigit isang buwan ng walang supply ng kuryente.

Ito ang naging tugon ng mga opisyal ng bayan sa katatapos na Municipal Peace and Order Council (MPOC) Meeting.

Sinabi ni Matanog Mayor Muhamad Kits Guro na agad inaprubahan ng mga miyembro ng sangguniang bayan ang deklarasyon ng state of calamity.

Kasunod na rin ito nang pagpapatupad ng Maguindanao Electric Cooperative (MAGELCO) ng power shutdown dahil umano sa utang ng LGU-Matanog.

Samantala, hindi naman sumipot sa naturang pagpupulong si MAGELCO General Manager Sultan Ashary Maungco, sa halip ay nagpadala na lamang ito ng sulat.

Sa kabilang banda ay inimbitahan naman ni Maungco si Guro na pumunta sa kanyang opisina upang mapag-usapan ang problema sa kawalang supply ng koryente sa bayan ng Matanog.

Pero ngayon pa lang ay nanindigan si Guro na kasinungalingan na aabot sa P6.5 million ang utang ng LGU-Matanog sa Magelco.

Kaya naman nananawagan ang alkalde sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na tingnan ang sitwasyon sa kanilang bayan.

Ito ay kasabay na rin ng kahilingan kay Maguindanao Governor Bai Mariam Sangki Mangudadatu na gumawa ng aksyon at maimbestigahan ang mahigit isang buwang walang supply na koryente sa lugar.