-- Advertisements --

ROXAS CITY – Idineklara na ang state of calamity sa Sicogon Island sa bayan ng Carles, Iloilo dahil sa dengue outbreak.

Ito ang kinumpirma ni Carles, Iloilo Mayor Siegfredo Betita sa panayam ng Bombo Radyo Roxas.

Sa Barangay San Fernando pa lamang ay umabot na sa 60 ang may dengue; walo sa Barangay Alipata; at tatlo naman sa Barangay Buaya.

Maliban dito ay pansamantala ring itinigil ang pagtanggap ng mga turista sa naturang isla dahil sa peligrong dala ng dengue outbreak sa lugar.

Labis rin ang pasasalamat ng alkalde kay Iloilo Governor Arthur Defensor Sr. dahil sa pagbigay ng libreng hospitalization sa Malbog District Hospital sa mga pasyenteng may dengue mula sa isla.

Nabatid na ang naturang isla ay isa sa pinakasikat na tourist destination sa lalawigan ng Iloilo.