Isinailalim na sa State of Calamity ang Tagum City sa lalawigan Davao del Norte nang dahil sa naitalang dengue outbreak sa lugar.
Ito ay matapos na pumalo na sa 61% ang bilang ng mga barangay sa lugar na may mataas na kaso ng sakit na dengue.
Batay kasi sa datos ng Tagum City Epidemiology Surveillance Unit, mula noong buwan ng Enero hanggang Nobyembre 22, 2023 ay pumalo na sa kabuuang 1,054 ang mga kaso ng dengue na naitala sa 23 barangay sa nasabing lugar na karamihan ay mga batang may edad na limang taong gulang ang nabibiktima.
Mula sa naturang bilang, aabot sa siyam na mga indibidwal ang naitala ng mga kinuukulan na nasawi nang dahil sa nasabing sakit.
Dahil dito ay inirekomenda ng City Disaster Risk Reduction and Management Council sa City Council ang pagdedeklara ng state of calamity sa Tagum city upang magamit na ng lokal na pamahalaan nito ang dagdag na pondo para tugunan ang naturang outbreak.
Samantala sa kasalukuyan ay nagsasagawa na ng misting, larvicide, at education campaign operations ang mga kinauukulan para sa pagsugpo sa dengue outbreak na nararanasan sa Tagum City.