KALIBO, Aklan—Inirekomenda na ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) sa gobyerno probinsyal ng Antique na isailalim ang buong lalawigan sa state of calamity dahil sa nagpapatuloy na epekto ng El Niño.
Ayon kay PDRRMC Antique head Mr. Broderick Gayona-Train, naabot na nila ang criteria para madeklara na state of calamity ang isang probinsya kung kaya’t kaagad silang nagconvene at nakagawa ng resolusyon na inendorso naman sa Sangguniang Panlalawigan ng Antique.
Ipinaliwanag ni Train na nauna nang nagdeklara ng state of calamity ang lokal na pamahalaan ng Anini-y, Sibalom at Lawaan dahil sa nakitang pinsala dulot ng grabeng init ng panahon partikular sa sektor ng agrikultura.
Inaasahan na sa susunod na mga araw sa gaganaping session ng Sangguniang Panlalawigan ay matalakay ang kanilang resolusyon upang mabigyan ng kaukulang solusyon ang kinakaharap na problema dulot ng El Niño at nang sa gayon ay maayudahan ang mga apektadong sektor.