-- Advertisements --

Hindi umano malayong ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang state of calamity sa tatlong rehiyon sa bansa.

Pahayag ito ni Presidential Spokesman Sec. Harry Roque sa harap ng matinding pinsalang iniwan ng bagyong Rolly sa Bicol region, CALABARZON at MIMAROPA.

Gayunman, sinabi ni Sec. Roque na hintayin na muna na mailabas ng Malacañang ang papel para rito.

Kahapon inihayag ni NDRRMC executive director Usec. Ricardo Jalad na inirekomendan na nila kay Pangulong Duterte ang pagdedeklara ng state of calamity sa mga nabanggit na rehiyon.

Layunin nitong mabilis na mabigyan ng pondo mula sa national government ang tatlong rehiyon para sa agarang pagsasaayos o rehabilitasyon sa kani-kanilang mga lugar.

Sa ngayon ay said na ang calamity fund ng mga apektadong local government units (LGUs) sa tatlong rehiyon at umaasa na lamang sa tulong mula sa ilang LGUs at ahensya ng gobyerno na may quick response fund.