MANDAUE CITY – Umabot sa P1.2 million ang naging danyos sa nangyaring sunog sa Sitio Paradise, Barangay Looc, lungsod ng Mandaue, kagabi, Nobyembre 22.
Sa nasabing sunog, tinatayang aabot sa halos 800 na mga kabahayan ang tinupok ng apoy kung saan nasa mahigit 3,000 na mga indibidwal ang apektado.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Camilo Basaca, Jr., ang officer-in-charge ng Mandaue City Social Welfare and Services (CSWS), sinabi nitong nagpapatuloy ang kanilang paglista ng mga biktima sa sunog at ang kanilang pagbibigay ng assistance, kagaya na lamang ng pag-transfer ng mga ito sa City Central School ng lungsod, at ang pagbibigay ng hot meals.
Ayon kay Basaca, hanggang sa tatlong araw lamang ang kanilang pagbibigay ng pagkain sa mga biktima at pagkatapos nito ay kanila itong itu-turnover sa barangay.
Ngunit kanyang nilinaw na hindi pa rin nila pababayaan ang barangay at magpapatuloy ang kanilang mga logistical suppport.
Sa ngayon, inihayag ng nasabing CSWS official na nangangailangan ang mga biktima ng mga damit, at iba pang mga basic necessities.
Habang, nilinaw rin ni Mandaue City Mayor Jonas Cortes na hindi na kinakailangan ang pagdeklara ng state of calamity dahil isang sitio lang naman ang apektado, ngunit malaki lang diumano ang nasabing sitio.
Inaasahan lang ngayon ng alkalde na maging tapat ang mga residente sa pagpalista sa CSWS para sa kanilang assistance at hindi magpapalista kung hindi naman talaga biktima sa nasabing sunog.