-- Advertisements --

Inanunsyo ni Michigan Governor Gretchen Whitmer ang state of emergency para sa Midland county dahil sa inaasahang matinding pagbaha makaraang bumigay ang dalawang dam sa estado.

Ang pagkasira umano ng dalawang dam, ang Edenville at Sanford, sa naturang county ay sanhi ng pag-ulan sa kanilang lugar noong mga nakalipas na araw kung kaya’t kaagad nilang inilikas ang mga residente.

“In the next 12 to 15 hours, downtown Midland could be under approximately nine feet of water”, saad ni Whitmer sa isang news conference.

Ayon kay Mark Bone, chairman ng Midland County Board of Commissioners, tinatayang aabot ng 3,500 kabahayan at 10,000 katao ang apektado ng naturang paglilikas.

Wala naman naitalang patay o sugatan sa nangyari.

Hinihikayat naman nito ang iba pang residente na magtungo sa malayong lugar mula sa Tittabawassee river.

Base sa National Weather Service (NWS) malapit na raw mapuno ang Tittabawassee River sa Midland at Rifle River sa Sterling na posibleng magdulot ng matinding pagbaha.