-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Tinuligsa ni dating Cagayan de Oro City mayor Atty. Oscar Moreno na ‘imagine emergency’ ang inilabas na kautusan ni incumbent City Mayor Rolando ‘Klarex’ Uy na naglalagay ng buong syudad sa state of emergency.

Pinagbatayan kasi nito na hakbang ng alkalde ang napiligan na pansamantala na water cutoff order ng Cagayan de Oro Bulk Water Incorporated (COBI) at Rio Verde Water Consortium Incorporated dahil bigo umanong makabayad ang Cagayan de Oro Water District sa kanilang outstanding payables sa kompanyang Metro Pacific Water.

Sinabi ni Moreno na mina-manipula at tinatakot lamang ng political operators ng city government ang mga kaisipan ng mga konsumante upang palabasin na bayani ang alkalde dahil sa deklarasyong estado ng emerhensiya dahil sa isyu ng tubig.

Inihayag ng dating alkalde na imbento ito na senaryo ng city government gamit ang water cutoff isyu para lalo pang ma-demonize ang imahe ng MetrPac-COBI na bahagi ng Pangilinan Group of Companies.

Una nang sinisi ng kasalukuyang administrasyon si Moreno na dahilan kung bakit nagkaroon ng 30 years water contract ang COWD sa MetroPac-COBI dahil sa pinahintulutang makapasok ang kompanya ng negosyanteng si Manny V. Pangilinan.

Giit naman ni Moreno na malaki ang papel ng MetroPac-COBI sa water supplying ng western side ng syudad dahil nagka-red flag ang kontratang pinasok ng COWD at Rio Verde simula taong 2015.