LEGAZPI CITY – Patapos na ang itinatayong bagong state of the art facility na Doppler radar ng Pagasa Masbate sa bayan ng Cataingan.
Inaasahan itong magiging mata ng weather bureau sa central islands ng bansa at masisilbihan hindi lamang ang Bicol kundi ang mga karatig-rehiyon ng Central at Eastern Visayas, maging ang MIMAROPA.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rizza Bartolata ng Pagasa Masbate, nasa 85 percent nang kompleto ang gusali at hinihintay na lamang ang mismong radar na mula pa sa Japan.
Dapat sana’y Hulyo 31 pa ito nai-deliver sa bansa subalit naantala dahil sa pandemiya kaya’t hanggang 2022 pa ang paghihintay.
Pinondohan ng halos P150 million ang radar pa lamang habang nasa P25 million sa building na iniakma ang structural design sa mga malalakas na bagyo.
Nagdagdag naman ng limang tauhan para sa maintenance at troubleshooting sa bagong pasilidad.
Sakaling maging operational na, ayon kay Bartolata, 400 km pa lamang ang bagyo, makikita na ang mata, kaulapan at kung gaano kalakas ang ulan na dadalhin.