CENTRAL MINDANAO – Itinayo na ang state of the art isolation facility sa bayan ng Kabacan, Cotabato para sa mga COVID-19 patients.
Ayon kay Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr., itinayo ang gusali sa terminal complex na malayo sa mga bahay ng mga mamamayan ng bayan.
Ang P10 milyon na pondo para sa isolation facility ay mula sa Bayanihan grant na isang buwang IRA para sa mga LGU.
Aniya, ang pagpapatayo nito ay batay sa kautusan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na kailangang mayroong sariling pasilidad ang bawat lokal na pamahalaan.
Layon nitong maging komportable ang mga mamamayan na makitaan ng sintomas ng sakit at mabilis ang kanilang paggaling.
Sa ngayon ang operation center ang pansamantalang ginagamit na isolation facility sa bayan ng Kabacan para sa mga suspected COVID patients at probable case.
Sa huling tala ng Municipal Epidemiology Surveillance Unit, isa ang suspect case ng bayan habang 164 ang Persons Under Monitoring, nasa 370 cleared sa mga umuwi mula sa Mindanao region at Visayas area at 53 cleared mula sa Davao.
Sa ngayon pinalawig pa ang General Community Quarantine sa probinsya ng Cotabato mula Hunyo 1 hanggang katapusan ng buwan.
hiniling ni Mayor Guzman ang kooperasyon ng bawat isa at ugaliin ang pagsunod ng safety protocols upang hindi makapasok ang COVID-19 carrier sa bayan ng Kabacan.