Ngayong araw ay nakatakda ang ikatlong SONA ni PBBM kasabay ng kanyang pagharap sa ikatlong taon sa pwesto.
Ngunit kasabay ng pinakahihintay na talumpati ng pangulo mamayang alas-kwatro ng hapon, balikan natin ang ilan sa kanyang mga nasabi sa nakalipas na SONA na nagmarka sa kanyang ikalawang taon sa pwesto.
Ang naging talumpati ng pangulo ay umabot ng isang oras at 11 minuto.
Tinalakay ng pangulo ang iba’t ibang usapin katulad ng ekonomiya, inflation, pamumuhunan, revenue generation, Kadiwa stores, pagsasaka at pangingisda, sector ng patubig, Build-Better-More program, sektor ng enerhiya, at pagbuo ng maraming trabaho o employment sector.
Tinalakay din ng pangulo ang mainit na usapin noong ukol sa Military and Uniformed Personnel (MUP) Pension, edukasyon, Science and Technology, healthcare, foreign relations, Tourism, Digitalization, OFWs, Housing, Climate change, Marami rehabilitation, at iligal na droga.
Sa ilalim ng ekonomiya ng bansa, iniulat noon ng pangulo ang pagtaas ng Gross Domestic Product (GDP) na umabot sa 7.6% mula sa dating 5.7% noong 2021. Ang digital economy ng Pilipinas noon ay nagawang makapagpasok ng P2 trillion, halos sampung porsyento ng GDP.
Sa inflation, iniulat ng pangulo ang malakihang pagbaba ng inflation sa bansa mula 8.7% patungong 5.4%.
Sa pamumuhunan, sinabi ng pangulo na top priority ng kanyang administration ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga investors.
Sa naturang SONA ay iniulat ng pangulo ang hanggang P1.2 trillion na investment project para sa unang taon ng kaniyang panunungkulan.
Sa ilalim ng revenue generation, iniulat ng pangulo ang mas matas na koleksyon ng mga revenue-collecting agencies ng bansa. Kinabibilangan ito ng 10% increase sa kita ng BIR; 7.4% para sa Customs; 47.9% para sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), at 20% para sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa ilalim ng pagsasaka at pangungisda, iniulat noon ng pangulo ang pagbuo ng mas maraming KADIWA stores at mas maraming pamilya na mabebenepisyuhan sa mas murang mga produkto. Ibinahagi rin ng pangulo ang mga bagong teknolohiya sa pagsasaka katulad ng naging kontrobersyal na bio-fertilizer, at mga bagong cold storage facilities
Noong 2023, kasabay ng ikalawang SONA ng pangulo, iniulat niya ang paghahanda ng kanyang administrasyon sa El Niño, isa sa pinakamalaking problema sa nakalipas na taon: kabilang sa mga ipinangako dito ng pangulo ay ang mas mataas na buffer stock, reserved water supply, cloud seeding, at rainwater collection.
Binigyang-diin din noon ng pangulo ang kahalagahan ng pagbuo sa Water Resources Management Office, at ang pagtatag ng Department of Water Resource sa pamamagitan ng isang batas.
Sa ilalim ng imprastraktura, binigyang-diin ni PBBM sa kanyang nakalipas na SONA ang paggamit sa Build-Better-More program kung saan 83% dito ay para sa paggawa ng mga kalsada, tulay, seaport, airport, at mass transport.
Para sa Enerhiya, ipinangako ng pangulo ang pagtatayo ng walong karagdagang power plant, habang kalahating milyong mga kabahayan ang nabigyan ng elektrisidad.
Sa ilalim naman ng employment, sinabi ng pangulo na lalawakan ng pamahalaan ang livelihood training, habang ipinagmalaki ang pagtaas ng employment rate ng hanggang sa 95.7% hanggang noong May 2023, ang unang taon niya sa panunungkulan.
Para sa Edukasyon naman, iniulat noon ni PBBM na siyam mula sa sampung teaching position ang nalagyan na ng mga uupong guro, kasabay ng pangakong palalakasin ang K-10 curriculum ng pamahalaan.