Kakasuhan umano ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga state prosecutors na nagbasura sa drug charges laban sa mga “drug lords” kung may ebidensya na naimpluwensyahan sila ng drug money.
Ito ang inihayag ni PNP-CIDG Director Roel Obusan nang humarap ito sa media.
Ang pahayag ni Obusan ay kasunod ng direktiba ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na imbestigahan ang mga state prosecutors kung naging pabaya ang mga ito sa mga kaso ng umano’y mga drug kingpins na sina Kerwin Espinosa, Peter Lim, Peter Co at iba pang mga sangkot din sa iligal na droga.
Pero sa ngayon, wala umanong ideya si Obusan ukol sa nasabing ulat.
Sinabi ni Obusan na hihintayin na lamang nila ang resulta ng imbestigasyon ng bubuuing panel ng DOJ.
Ayon sa opisyal, dalawang panel ang pinabubuo ni Aguirre kung saan ang isa ay para repasuhin ang kaso ng mga naabsweltong umano’y drug personalities.
Habang ang isa namang panel ang siyang mag-iimbestiga kung nagkaroon ng lapses ang mga state prosecutors na humawak sa kaso nina Kerwin at iba pa.