Inilatag na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga aktibidad ni Pang. Ferdinand Marcos Jr para sa nakatakdang state visit nito sa bansang Malaysia.
Inimbitahan ni Malaysian King Al-Sultan Abdullah Sultan Ahmad Shah ang Pangulo kasama si First Lady Liza Marcos.
Makakasama din sa biyahe ang mga key cabinet officials ng pamahalaan.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesperson Maria Teresita Daza, magiging abala ang Pangulo dahil sa sunud sunod na mga aktibidad duon.
Bukod sa pulong sa Hari ng Malaysia, magkakaroon din ng meeting ang chief executive kay Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim.
Tatalakayin ng dalawang lider ang mga bago at makabuluhang hakbang na lalong magpapatatag sa ugnayan at relasyon ng Pilipinas at Malaysia.
Hindi naman masabi ni Daza kung pag-uusapan nina Pang Marcos at Prime Minister Ibrahim ang usapin sa teritoryo ng bansa.
Dagdag pa ni Daza napapanahon na ang pagtungo ni Pang Marcos sa Malaysia dahil ipinagdiriwang ang ika-60th anniversary ng pagtatatag ng diplomatic ties ng dalawang bansa.
Naka-iskedyul din ang Pangulo humarap sa Filipino community duon.
Magkakaroon din siya ng meeting kasama ang mga negosyante para hikayatin ang mga ito na mamuhunan sa bansa.
Target din ng Marcos Jr. administration na palakasin pa ang bilateral trade and investments sa kapitbahay na bansa.