ROXAS CITY – Malaking oportunidad umano para kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mapalakas ang alyansa sa gitna ng US at Pilipinas sa pamamagitan ng pagdalo sa United Nations General Assembly na gaganapin sa New York City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay Greg Aguilar sa New York, sinabi nito na dadaluhan ng mga head of states ang general assembly kasama na si US President Joe Biden, kung saan ang mga lider ay bibigyan ng pagkakataon na magbigay ng pahayag at ipepresenta ang kani-kanilang mga bansa.
Naniniwala si Aguilar na ang pakikipag-alyansa ang isa sa pag-uusapan sa nabanggit na session.
Pahayag pa nito “very optimistic” ang US government na maibalik ng Marcos administration ang magandang relasyon ng Pilipinas at US na tinuturing na “very close ally” ng US.
Matandaan na sa dating administrasyon ay hindi naging mabuti ang relasyon ng dalawang bansa dahil mas pinili ni former President Duterte na makipag-alyansa sa China at Russia.
Hindi lamang head of states ang nakatakdang makakausap ni PBBM, makikipagkita din ito sa Filipino-American community para pag-usapan ang krimen na kinasasangkutan ng mga Pinoy katulad ng Asian hate crimes.
Samantala, kahit nakakuha ng maliit na boto si President Marcos sa NYC, handa pa rin ang Fil-Am community na bigyan ng tyansa si Marcos na maipatupad nito ang pinapangarap na unity at proyekto na ikakaganda ng Pilipinas.