-- Advertisements --

Walang nakikita ang state weather bureau na Low Pressure Area (LPA) na maaaring pumasok sa Pilipinas sa kasagsagan ng Semana Santa.

Batay sa pagtaya ng ahensiya, nananatiling maaliwalas sa teritoryong sakop ng bansa, habang wala ding mga nakikitang makakapal na kumpol ng kaulapan sa labas ng Pilipinas na maaaging maging LPA.

Gayunpaman, pinapayuhan pa rin nito ang publiko na patuloy na bantayan ang mga abiso o advisory na inilalabas nito na magsisilbing gabay, lalo na kung may mga pinaplanong biyahe kasabay ng long-weekend.

Ngayong araw, naaapektuhan ng frontal system ang Extreme Northern Luzon habang ang ibang bahagi ng Pilipinas ay apektado ng easterlies.

Ang frontal system ay maaaring magdulot ng mga pag-ulan – moderate hanggang heavy – na posibleng magdulot ng pagbaha sa ilang bahagi ng Batanes, Cagayan, Apayao.

Posible rin ang manaka-nakang pag-ulan sa ilan pang probinsya tulad ng Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-tawi, habang sa Metro Manila ay maaaring maranasan ang mga isolated rainshower at mga thunderstorm.

Para sa mga bibiyahe sa pamamagitan ng mga sasakyang pandagat, nasa light to moderate ang wind speed sa mga karagatang sakop ng Northern Luzon, at malaking bahagi ng Luzon.