CAGAYAN DE ORO CITY – Pagagawan at patatayuan umano ng rebolto si 2020 Tokyo Olympics weightlifting gold medalist Hidilyn Diaz na tubong Zamboanga City.
Ito ay matapos ipasa na ang resolusyon ng mismong city council ng lungsod bilang isa sa mga paraan upang kilalanin ang historic gold medal win ni Hidilyn sa Olympics na halos inabot din ng 100 taon bago nakuha at nahawakan ng Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni City Councilor Bong Atilano, dating coach ni Diaz na ito ang isa sa mga nakikita nila na paraan para mabigyan ng makabuluhan na pagpupugay at upang magbigay inspirasyon na rin para sa mga bata na mangarap para sa tagumpay ng buhay.
Inihayag ni Atilano na nasa inisyal na P10 milyon ang inilaan na pondo para sa copper statue bilang isa sa mga pinakamatibay na pagbibigay pugay sa 20 taon na sakripisyo ni Diaz na umabot pa sa apat na Olympics para mapursige ang pagkamtan ng medalyang ginto para sa bayan.
Bagamat umiwas na si Atilano kung anu-ano ang naimbag at naitulong nito para kung ano sa kasalukuyan si Hidilyn subalit tanging masasabi lamang niya na isa itong uri ng manlalarong Pinoy na puno ng determinasyon at disiplina upang abutin kung ano ang kanyang pangarap at gustong mapagtagumpayan para sa bayan.