-- Advertisements --
EDSA Traffic
EDSA

NAGA CITY – Umaasa ngayon ang isang mambabatas na makakapagpalabas ng status quo order o injuction ang Korte Suprema bago ang nakatakdang dry run ng pag-ban sa provincial buses sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA).

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Deputy Speaker L-ray Villafuerte, sinabi nito na ito na ang magiging aksyon umano ng Kataas-taasang Hukuman ang magiging solusyon para mapatigil ang nasabing plano ng Metro Manila Development Authority.

Kaugnay nito, umaasa naman si Villafuerte na agad na maipapatawag sa Kongreso ang MMDA kasama ang DOTr, ilang ahensiya at ilang transport group maging mga concern citizen para agad na malaman ang dahilan ng ahensiya sa pagpapatupad ng nasabing hakbang.

Isa rin kasi ito sa tinitingnan ng mambabatas na makakatulong sa magiging desisyon ng Korte Suprema.

Una rito, naghain ng resolusyon sa House of Representatives ang opisyal upang maimbestigahan ang nasabing plano ng MMDA dahil tila hindi man lang aniya kinonsidera ng ahensiya ang magiging epekto nito lalo na sa mga taga-probinsiya.