LEGAZPI CITY – Aktibo pa ang hydrothermal activity sa bulkang Bulusan na posibleng magresulta sa mga steam-driven phreatic eruption sa mga susunod na oras.
Ito ang ipinaliwanag ni Phivolcs director Usec. Renato Solidum sa Bombo Radyo kasunod nang ibinabang abiso kagabi dakong alas-11:20 sa namataang pagtaas ng seismic activity sa bulkan.
Samantala, umakyat na rin sa 149 ang naitalang volcanic quakes mula alas-5:00 kahapon hanggang kaninang alas-5:00 ng madaling-araw.
Karamihan sa mga pagyanig ay mahina at mababaw lamang, ayon pa kay Solidum.
Ito ay kagaya rin ng naobserbahan noong bago nagkaroon ng phreatic eruption nitong Linggo Hunyo 5.
Nananatiling nakataas sa Alert Level 1 ang Bulusan at patuloy ang paalala sa pagbabawal sa pagpasok sa 4-km radius Permanent Danger Zone na pinalawig hanggang 2-km Extended DZ.
Sa kabilang dako, handa naman umano ang assets ng Sorsogon provincial government upang umalalay bunsod ng hindi inaasahang pangyayari.