-- Advertisements --

Hindi na natapos ni Stephen Curry ang naging matchup sa pagitan ng Golden State Warriors at Toronto Raptors matapos siyang bumagsak sa hardcourt sa kalagitnaan ng 3rd quarter.

Nangyari ito habang pinipilit ni Curry na pumasok sa loob ng paint at gumawa ng isang perimiter pass ngunit habang nasa proseso ay nabangga siya ng Raptors rookie na si Jonathan Mogbo.

Wala namang itinawag na foul at tuloy pa rin ang naging transition ngunit sa huli ay itinigil pansamantala ang laban upang dalhin si Curry sa locker room.

Hindi na bumalik si Curry sa hardcourt habang tuluyan ding isinailalim sa MRI ang kaniyang pelvic/tailbone area.

Sa ngayon ay wala pang inilalabas na resulta ng kaniyang MRI.

Samantala, bagaman limitadong oras lamang ang inilagi ng sharpshooter sa naturang matchup, kumamada pa rin siya ng 17 points.

Kinalaunan, tuluyan ding naipanalo ng GSW ang laban, 117 – 114 sa pangunguna ng defensive specialist na si Draymond Green. Gumawa si Green ng 21 points, pitong rebounds, at limang assist habang triple-double naman ang ambag ni Jimmy Butler: 16pts, 11rebs, 12asst.

Nasayang naman ang 29 points at siyam na rebounds ni Raptors forward Scottie Barnes.

Hawak na ng GSW ang 41 wins at 29 loss ngayong season at pang-anim sa western conference.