Dumagundong sa selebrasyon ang pamosong Madison Square Garden sa New York matapos na ma-break ng superstar ng Golden State Warriors na si Stephen Curry ang all-time record sa may pinakamaraming three-points sa kasaysayan ng NBA.
Nagawang mabasag ni Curry ang record ng basketball Hall of Famer at kinikilalang hari sa three point area na si Ray Allen sa first quarter ng laro kanina ng Warriors laban sa New York Knicks.
Binigyan si Curry ng standing ovation ng mga fans at sinundan ng time out ng Warriors upang samantalahin ang selebrasyon.
Nagkataon naman na game commentators din sina Allen at ang isa pang basketball legend na si Reggie Miller kaya personal din nilang binati at niyakap si Curry.
Inabot din ng 10 taon ang record ni Allen bago ito nalampasan.
Agad namang itinago ni Curry ang bola na naging swerte sa kanya at ibinigay sa ama na si Dell Curry.
Sa ngayon nakatipon na ang 33-anyos na si Curry ng kabuuang 2,974 na 3-pointers sa kanyang career at sinasabing malayo pa sa kanyang pagreretiro.
Sinasabing ang istilo ni Curry, na isa ring three time NBA champion at two-time MVP, ang nagpabago sa maraming mga point guards ngayon kung saan pilit din siyang ginagaya.
“I can’t say it enough I appreciate so much the way the fans embraced the moment with me and let me kind of get lost in it. I could feel it. Once I took the shot on the wing, it just felt good, looked good. it felt like we were at home,” pahayag pa ni Curry na halatang emosyunal sa panibagong milestone na kanyang naabot.
Hindi rin naman nagpahuli si NBA Commissioner Adam Silver sa pagbati kay Curry sa pamamagitan ng statement.
“It was thrilling to see Steph break the NBA’s all-time record for three-pointers,” ani Silver. “He has revolutionized the way the game is played and continues to leave fans in awe with his amazing artistry and extraordinary shooting ability. We congratulate him on this historic achievement.”
Samantala sa kinalabasan ng laro kanina, panalo rin naman ang Warriors kontra sa Knicks, 105-96.
Nagtapos si Curry sa 22 points kabilang na ang tatlong triples, gayundin may three rebounds at three assists.
Ito na ang ika-23 panalo ng Golden State bilang top team ngayong season, habang ang Knicks ay natigil sa 12-16 record.