-- Advertisements --

Gumawa ng panibagong record si NBA superstar Stephen Curry, kasunod ng 134 – 125 na panalo ng Golden State Warriors laban sa Memphis Grizzlies.

Sa panalo kasi ng GS ay kumamada si Curry ng 52 points sa loob ng 38 mins na paglalaro. Nagawa din niyang umagaw ng sampung rebounds, magbulsa ng walong assists at limang steals.

Sa kabuuan, nagpasok si Curry ng 12 3-pointers at halos maabot ang 50-point triple-double performance.

Nagawa ng Warriors na sundan ang 44-point 1st quarter performance nito laban sa San Antonio Spurs nitong araw ng Lunes(March 31) kung saan sa laban kontra Memphis, nagbuhos ito ng 45 points sa unang quarter.

Hindi naman nakapalag ang Grizzlies sa kabila ng 36 points na pinakawalan ni Ja Morant, kasama ang 22 points na ambag ng forward na si Jaren Jackson Jr.

Ilan sa mga record na naibulsa ng Curry sa kaniyang 52-point performance ay ang mga sumusunod:

Nalagpasan niya si NBA legend Jerry West bilang ika-25 may pinakamaraming nagawang puntos sa kasaysayan ng liga.

Siya ang pangalawang player sa kasaysayan ng GS na makagawa ng 4,000 career free throw.

Nagawa din niyang tumbasan ang record ni Lebron James na bilang ng mga 30-point performance sa kalahating bahagi ng isang NBA match.

Samantala, umakyat na sa No. 5 ang Golden State matapos ang maksaysayang panalo, hawak ang 44 panalo at 31 pagkatalo.

Susunod na makakalaban ng koponan ang Los Angeles Lakers, at pagkatapos nito ay muling babalik sa homecourt para sa mga nalalabi pang match ngayong 2024 – 2025 season.