-- Advertisements --

Muling gumawa ng record si NBA Superstar Stephen Curry sa panalo ng Golden State Warriors laban sa Orlando Magic, 121 – 115.

Nagawa ni Steph na magbuhos ng 56 points sa panalo ng GS at naipasok ang 12 3-pointers mula sa labingsiyam (19) na kaniyang pinakawalan sa kabuuan ng laban. Ito na ang ikatlong pagkakataon na nagawa ito ni Curry sa kaniyang karera.

Maliban sa impresibong tres, naipasok din ni Curry ang lahat ng 12 free throws na iginawad sa kaniya.

Batay sa record ng NBA, ito na ang ika-45 laro sa karera ni Curry na nakagawa siya ng siyam na 3-pointers o higit pa. Ang naturang record ang pinakamataas sa buong liga. Sumunod sa kaniya ang shooter na si Damian Lillard na mayroon lamang 14 games.

Ayon kay Curry, nagawa niya ang naturang performance dahil na rin sa tiwala sa kaniya ng mga teammate. Marami sa kanila aniya ang kampanteng ibigay sa kaniya ang bola upang siya ang magbuslo nito. Sumabay lamang umano siya sa kaniyang mga kapwa-Warriors hanggang sa tuluyang kumamada ng 56 points

Samantala, sa naging laban ng dalawang team ay nagawa ni Curry na buhatin ang GS sa halos kabuuan ng laban. Sa 3rd quarter, pinangunahan niya ang comeback effort ng koponan mula sa 15-deficit at na-outscore ang lahat ng Magic players.

Nagbuhos kasi si Curry ng 22 points sa naturang quarter habang 21 points lamang ang naisagot ng lahat na ng players ng Orlando. Sa kabuuan ng 3rd quarter, nagbuhos ang GS ng 40 points at ibinulsa pa ang 4-point lead.

Kinalaunan, napanatili na ng Warriors ang lead at tuluyang naipanalo, 121 – 115.

Sa panalo ng GS, nag-ambag si Draymond Green ng 12 points at sampung rebound habang 18 points naman ang ipinoste ng sentrong si Quinten Post.

Nasayang naman ang 40 points ni Magic star Paolo Banchero sa pagkatalo ng Orlando.