-- Advertisements --

Muling gumawa ng kasaysayan si NBA superstar Stephen Curry sa panalo ng Golden State Warriors kontra Milwaukee Bucks, 125 – 111.

Sa naturang laban ay kumamada si Curry ng 38 big points at anim na rebounds. Ito ang ika-apat na magkakasunod na 30-point game ni Steph.

Dahil dito, sasamahan ni Curry sina LeBron James, Michael Jordan, at Karl Malone bilang mga tanging player sa NBA na may edad 36 pataas na gumawa ng apat na magkakasunod na 30-point game.

Nakapagpasok si Curry ng 12 shots mula sa 24 shots na pinakawalan. Anim dito ay pawang mga 3-pointers. Ginawaran si Curry ng siyam na free throw sa kabuuan ng laban at walo ang nagawa niyang ipasok.

Samantala, sa ikalawang laro ni Jimmy Butler sa GS, nagawa niyang kumamada ng 20 points at siyam na rebounds. 16 points naman ang ipinasok ng shooter na si Buddy Hield.

Nasayang naman ang 38 points ni Bucks guard Damian Lillard, kasama ang 21 points ng bagong Bucks forward na si Kyle Kuzma.

Labis na pinahirapan ng GS ang Bucks matapos itong kumamada ng 16 steals sa kabuuan ng laro. Dahil sa magkakasunod na steal, umabot sa 20 ang turnover na nagawa ng Bucks, bagay na sinamantala ng 2022 NBA champion.

Dahil sa panalo ng GS, umangat muli ito sa above .500, hawak ang kartadang 27 – 26.

Nagawa naman ng Bucks na kumamada ng 28 na panalo habang umabot na sa 24 ang nalasap na pagkatalo.