-- Advertisements --

ILOILO CITY – Hindi pa matiyak kung kailan babalik ang Small Town Lottery operation sa lalawigan ng Iloilo.

Ito ang kasunod ng pagkumpirma ni Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Royina Garma na binawi na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suspensyon sa STL operations.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mr. Noel Go, Operations Manager ng Red Subay Gaming Corporation na siyang operator ng Small Town Lottery sa lalawigan ng Iloilo, sinabi nito na mabigat ang kondisyon na ibinigay ng Pangulo.

Ayon kay Go, kailangan nilang magbayad ng P389 million na shortfall at P333 million na Guaranteed Minimum Monthly Retail Receipts sa loob ng tatlong buwan.

Sa ngayon ayon kay Go, mag-aapela sila sa Philippine Charity Sweepstakes Office na bawasan ang kondisyon na ibinigay sa Authorized Agent Corporations.

Napag-alaman na kabilang sa ibinigay na kondisyon ay dapat na pumirma ng undertakings ang Authorized Agent Corporations at ang mga lumabag sa kasunduan ay kaagad na iti-terminate ng Philippine Charity Sweepstakes Office.