Mas makakabuti umano na ipasara na lamang ng permanente ang operasyon ng Small Town Lottery (STL) sa halip na muling buksan pa ito.
Yan ang sinabi ni Sen. Panfilo Lacson sa pagharap nito sa media nitong Huwebes.
Malaki aniya ang nalulugi sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil hindi naire-remit sa ahensya ng ilang franchise owner ng STL ang kinikita nila.
Inamin pa ni Lacson na halos karamihan sa mga franchise owner na hindi nagre-remit ng kita sa PCSO ay mga retired generals ng PNP at AFP na mga dating provincial at regional directors na alam ang kalakaran sa jueteng.
Samantalang ang ibang franchise owner ng STL ay mga jueteng lord na hindi pa umaabot sa 20% ang nire-remit sa PCSO.
Sinabi pa ng senador na itinatag ang STL para masawata ang iligal na sugal subalit lumalabas na nagiging legal ang operasyon ng jueteng dahil sa STL.
Iginiit pa ni Lacson na hindi maaresto ng mga otoridad ang mga kubrador ng jueteng dahil may ID sila ng STL na pagpapatunay lamang na dapat ng ipasara ang operasyon ng nito.