VIGAN CITY – Pansamantala munang sinuspinde ng provincial government ng Ilocos Sur ang operasyon ng Small Town Lottery (STL) dahil sa paglobo ng bilang ng mga aktibong kaso ng COVID- 19 sa lalawigan.
Batay sa huling datos ng Ilocos Sur government at Provincial COVID-19 Action Center, aabot na sa 610 ang aktibong kaso ng nasabing sakit sa lalawigan.
Karamihan daw sa mga ito ay mga empleyado ng STL at collectors na galing sa lungsod ng Vigan at Candon, at bayan ng San Vicente.
Una nang ipinag-utos ni Gov. Ryan Singson sa mga namamahala ng STL na isailalim sa regular COVID-19 testing ang kanilang mga empleyado at kolektor.
Itinuturing daw kasi silang “high risk” dahil sa kanilang exposure sa iba’t ibang tao at pagbabahay-bahay ng ilan.
Kabilang ang ilang sanggol sa mga aktibong kaso na binabantayan ngayon ng Ilocos Sur health officials.
Patuloy na pinag-iingat ng lokal na pamahalaan ang publiko laban sa COVID-19 at hinimok ang palagiang pagsunod sa mga ipinatutupad na health standards at protocols kagaya na lamang ng pagsuot ng facemask at face shield, at social distancing. -CJY