BUTUAN CITY – Patuloy pang inimbestigahan ng pulisya sa bayan ng Buenavista, Agusan del Norte ang brutal na pagpatay sa isang Small Town Lottery (STL) teller kagabi sa Brgy. Manapa, ng naturang bayan.
Nakilala ang biktimang si Liezel Madrea Ordinan, 34-anyos, may asawa at residente ng Purok 3-A, sa nasabing barangay.
Ayon kay P/Staff Sgt. Judiritho Illustrisimo, ipapadala na sana ng biktima sa kanyang kaibigan ang kanyang remittance pasado alas-8:00 kagabi para dalhin na ito sa sentrong bahagi ng bayan mula sa kanyang pwesto sa Purok 6 ngunit hindi ito nakarating.
Dahil dito, hinanap siya ng kanyang mga anak at nakita na lamang siyang naka-upo sa may baybaying bahagi na nagdurugo ang ulo.
Dinala pa sa ospital si Ordinan at natanong pa kung sino ang may gawa nito sa kanya subalit hindi raw nito kilala.
Hindi na nagawa pang maikuwento ng biktima ang nangyari sa kanya matapos itong bawian ng buhay pasado alas-10:00 ng gabi.
Samantala, naniniwala naman ang police officer na nag-iimbestiga sa kaso na ginahasa ang biktima sapagkat nakababa ang pang-ibabang saplot nito nang matagpuan.