-- Advertisements --

Inanunsyo ng Land Transportation Office na nauubos na ang stock ng mga plastic card na ginagamit sa pag-imprenta ng driver’s license card.

Batay sa pinakahuling imbentaryo na isinagawa, sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II na nasa 270,000 na lamang ang stock sa iba’t ibang district offices sa buong bansa.

Ang buwanang paggamit ng mga plastic card ay nasa 550,000 sa isang buwan at sinabi ni Mendoza na ang kasalukuyang mga stock ay tatagal na lamang para sa susunod na dalawang linggo.

Kaya naman, ang LTO aniya ay gumagawa na ng hakbang upang magkaroon muli ng stock ng mga driver’s license card.

Sinabi ni Mendoza na ang agency-to-agency acquisition ay ang pinakamabilis at pinaka-transparent na paraan ng pagkuha ng mga kinakailangang produkto o serbisyo at sa kaso ng LTO.

Aniya, naisumite na ang mga quotation sa LTO at lahat ng mga ito ay naipasa na sa Department of Transportation para sa pagsusuri at pag-apruba.

Kung mabibigo ang lahat ng hakbang, may posibilidad na ma-extend muli ang expiration ng driver’s license dahil sa kakulangan ng plastic card.