-- Advertisements --

BACOLOD CITY—Kinukulang na ang stocks ng disposable masks sa ilang pharmacy sa lungsod ng Bacolod kasabay ng pangamba ng ilan sa mabilis na pagkalat ng 2019 novel coronavirus.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Mica Ramias, sales lady sa isang botika sa harap ng Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital, napakabilis maubos ng kanilang ordinaryong face mask at N95 masks.

Ayon dito, umaabot sa 20 boxes ng face masks ang nauubos sa kanilang pharmacy sa loob ng isang araw.

Ang isang box na mayroong 50 face masks ay nagkakahalaga ng P120 habang P5 naman ang bawat isa.

Samantala, ubos na rin ang suplay ng N95 masks magmula noong pumutok ang Bulkang Taal.

Ang N95 mask ay nagkakahalaga ng P110 bawat isa.

Sa obserbasyon ng Bombo News Team, halos pareho lang ang sitwasyon ng mga pharmacy sa paligid ng regional hospital kung bentahan ng face masks ang pag-uusapan.