Umapela ang Chinese government sa mamamayan ng Hong Kong na depensahan ang kanilang mga kabahayan maging ang kanilang mga negosyo sa kabila ng mapanirang kilos-protesta na nagaganap sa lungsod.
Sa isinagawang media briefing ng China, umapela ng kapayapaan mula sa mga kabataan ang Hong Kong and Macau Affairs Office (HKMAO).
Ayon kay HKMAO spokesman Yang Guang, huwag umanong maliitin ng mga raliyista ang kapangyarihan ng Chinese at Hong Kong government dahil sigurado raw na pananagutin nito ang lahat ng may sala.
Nagbabala rin si Guang na hindi hahayaan ng central government ang kahit anong pagtatangka na ihiwalay ang Hong Kong sa China dahil nasa kamay umano ng 1.4 billion Chinese ang kinabukasan ng naturang lungsod.
Binigyang linaw din nito na hindi makikisali ang People’s Liberation Army sa pagkontrol ng kaguluhan sa Hong Kong na maaaring magdulot ng banta sa national unity at security ng Hong Kong.
Kinumpirma naman ng Hong Kong authorities na umabot na sa 150 katao ang kanilang dinampot na hinihinalang may koneksyon sa kaguluhan.