NAGA CITY- Nagsagawa na ng force evacuation ang ilang bayan sa probinsya ng Camarines Sur matapos ang nararanasang storm surge dulot ng bagyong Bising.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Sagnay Mayor Jovi Fuentebella, sinabi nito na ilang kabahayan na ang naiulat na nasira dahil sa nangyaring storm surge malapit sa dalampasigan ng Barangay Nato sa naturang bayan.
Ayon kay Fuentebella, pitong truck na ang kinailangan maglibot sa mga barangay upang mailikas ang mga residenteng nasa high risk areas.
Maliban dito, naka stand by narin umano ang Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa mga landslide prone area sa naturang lugar.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng alkalde na masusunod parin sa mga evacuation center ang mga health protocols na ipinapatupad ngayon dahil sa banta na dala na coronavirus disease 2019.
Kung saan ipinag-utos narin umano ng alkalde na gamitin na ang Municipal Social Welfare Development at Barangay Social Welfare Development bilang dagdag na evacuation center.
Samantala, Una rito nagpatupad narin ng force evacuation ang bayan ng Caramoan habang mahigpit naman ang ginagawang monitoring ng ilang mga karatig na lugar.
Sa ngayon nararanasan na ang pagbugso ng hangin at pag-ulan sa ilang mga bayan sa nasabing probinsya.