CEBU CITY – Problema ngayon ng ilang mga pasahero na stranded sa Mactan Cebu International Airport (MCIA) matapos ang insidente ng pagka-overshoot ng eroplano ng Korean Air sa nasabing paliparan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Mary Jane Española, sinabi nitong napapagod na sila dahil sa init ng paliparan, walang mauupuan at wala rin umanong pagkain.
Ayon kay Española, wala na silang pera para ipambayad sana sa hotel na pwede nilang matutuluyan lalong-lalo na’t ilang araw pa sila na mai-stranded sa MCIA.
Aniya, kailangan daw nila ng matutulugan at makakain.
Inihayag din ng nasabing pasahero na nakatanggap sila ng text sa airlines na pwede silang mag-apply ng rebooking o refund sa kanilang mga tickets.
Hiling ngayon ni Española na agad na maayos ang kanilang flight dahil may mga trabaho pa silang naiwan sa Maynila.
Nabatid na ang mga pasahero ng Korean Air flight KE 631 na nag-overshoot sa runway ng MCIA ay binigyan naman ng hotel accomodation.
Habang sinimulan na rin ang pag-salvage at clearing operation ng nasabing eroplano at kaugnay nito ay balik operasyon na ang iilang departure flight.
Ngunit, nilinaw ng MCIA management na posibleng babalik na rin ang arrivals simula ng madaling araw ng Oktubre 25.