NAGA CITY – Patuloy ngayon sa paglobo ang bilang ng mga stranded passengers sa Pasacao Port, sa bayan ng Pasacao, Camarines Sur.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula kay Petty Officer 1st Class Graciano Cañeba, sub-station commander ng Philippine Coast Guard (PCG) Pasacao, nabatid na sa ngayon may 59 katao na ang nananatili pa sa naturang pantalan.
Ang naturang mga pasahero ang pawang mga patungong Masbate at dahil sa nakataas na gale warning at nararamdamang habagat na mas pinalakas pa ng tropical depression Hanna, hindi muna pinayagang maglayag ang mga sasakyang pandagat.
Samantala, tiniyak naman ng Coast Guard na mahigpit na pagbabantay sa mga coastal areas para matiyak ang seguridad ng lahat.
Sa ngayon nagpapatuloy din ang monitoring ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang ilang bayan sa lalawigan sa posibleng makaranas ng mga pagbaha at landslide dahil sa sama ng panahon.