LEGAZPI CITY – Umapela ang ilang stranded passengers sa Legazpi City na payagan nang makauwi at makabiyahe sa dagat patungong island town ng Rapu-Rapu sa Albay matapos ang isang linggo nang pagkaantala ng biyahe dahil sa masungit na lagay ng panahon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Municipal Councilor Don Beruega, daing ng mga ito na kapos na sa budget ng karamihan, lalo na sa pangkain.
Nakikitulog rin aniya sa mga bahay malapit sa pantalan ang ilan habang ang iba namang walang gaanong kakilala sa lugar ay pinipiling maglatag ng kumot at matulog sa tabi o kaya sa ilang nakaparadang tricycle.
Nabatid na mula Disyembre noong nakaraang taon nang magbaba ng polisiya ang Legazpi Port na mula alas-5:00 ng madaling araw hanggang alas-12:00 ng hatinggabi lamang ang pagpapapasok sa mga biyahero sa pantalan.
Ayon pa kay Beruega, nagtataka umano ito kung bakit may nakataas pa ring gale warning sa naturang bahagi ng Albay Gulf gayong kalmado na rin ang karagatan kaya’t makikipagdayalogo sa Philippine Coast Guard (PCG) at PAGASA weather bureau ukol dito.
Samantala, nanindigan ang PCG na kaligtasan lamang ng biyahero ang nilalayon sa naturang sitwasyon.