LEGAZPI CITY – Siniguro ng Coast Guard District Sorsogon na agad na maibabalik ang biyahe ng mga sasakyang pandagat sa Matnog port oras na ibaba na ang typhoon signal sa ilang bahagi ng Visayas.
Ayon kay Coast Guard Sorsogon Commander Christian Jasmin sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, naka-standby na ang mga barko at hinihintay na lamang na bumuti ang lagay ng panahon upang agad na makauwi sa kanilang mga lalawigan at makahabol sa mahabang bakasyon ngayong Semana Santa.
Sa pinakahuling tala ng ahensya ay pumalo pa sa 530 ang stranded passengers sa loob ng pantalan.
Maliban dito ay mayroong ring tinatayang 1,800 stranded passengers sa labas ng Matnog port, habang naantala rin ang biyahe ng nasa 397 trucks, at 163 light vehicles, habang hinarang na rin sa Putiao checkpoint ang 64 mga truck upang hindi na dumagdag pa sa mahabang pila ng mga sasakyan sa Matnog.
Hindi naman inaasahan na madadagdagan pa ang naturang bilang dahil naglatag na ng checkpoints ang mga kapulisan sa ilang bahagi ng rehiyon upang abisuhan na ang mga biyahero sa kasalukuyang kalagayan sa pantalan.
Sinabi naman ni Jasmin na kung sino ang unang dumating sa pantalan ay una ring makakasakay sa mga barko upang maging maayos ang daloy ng biyahe.
Samantala, siniguro naman ng opisyal na naibibigay ang pangangailangan ng mga stranded na pasahero lalo pa at handa ang lokal na pamahalaan ng Matnog sa mga kaparehong sitwasyon.