LEGAZPI CITY – Pinayagan nang makauwi sa kanilang bahay nitong Huwebes ng ala-1:00 ng hapon ang apat na estudyante na pansamantalang nanatili sa Buyo Integrated School sa Virac, Catanduanes.
Bigong makauwi ang mga estudyante kahit maagang nagkansela ng pasok kahapon sa lalawigan dahil mataas na rin ang lebel ng ilog na tatawirin ng mga ito patungo sa kanilang bahay sa Brgy. Dugui Too.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mark Joseph Matira ng Virac MDRRMO Warning and Operations, pansamantalang tumigil ang ulan kaninang umaga hanggang dakong alas-3:00 ng hapon kaya’t bumaba rin ang baha.
Pinakain rin muna ang mga estudyante na binigyan ng permiso na matulog sa eskwelahan ng mismong school principal habang pinabantayan pa sa caretaker.
Kabilang sa mga mahigpit na mino-monitor sa ngayon sa nasabing bayan ang Pajo River na konektado sa mga barangay ng Dugui San Isidro, Dugui San Vicente asin Dugui Too.
Handa umano ang tanggapan na magpadala ng relief assistance at tauhan sakaling may humingi ng ayuda.
Samantala, patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga pasaherong naghihintay na makabiyahe sa mga pantalan sa Bicol na umaabot na sa 2, 872.
Inaasahan namang bababa na ang naturang bilang matapos na ma-lift na ang Tropical Cyclone Wind Signal sa Sorsogon batay sa latest weather bulletin, kung saan naroon ang Matnog Port na siyang may pinakamaraming stranded passengers na higit 2,000.
Batay sa abiso ng Coast Guard Substation Matnog, babalik na sa normal operation ang pantalan anumang oras at papayagan nang bumiyahe ang daan-daang stranded rolling cargoes na umabot pa sa higit dalawang kilometro ang pila.