Binigyang diin ni National Maritime Council(NMC) Spokesperson Vice Admiral Alexander Lopez na mananatili ang strategic presence ng Pilipinas sa Escoda Shoal sa kabila ng paglisan ng BRP Teresa Magbanua.
Ayon kay Lopez, pananatilihin ng Pilipinas ang presensiya nito sa Escoda sa pamamagitan ng ibang paraan tulad ng aerial patrol at hindi lamang sa pamamagitan ng naka-angklang barko sa loob nito.
Ang mahalaga aniya ay nagagawa ng Pilipinas na mamonitor ang naturang lugar, nadedetect ang mga nangyayari, at nagagawang maidokumento ang mga ito.
Magagawa aniya ito hindi lamang sa pamamagitan ng presensya ng BRP Magbanua kundi sa pamamagitan ng ibang asset ng pamahalaan.
Muli ring nanindigan ang opisyal na ang paglalayag ng BRP Teresa Magbanua palayo sa Escoda ay walang kinalaman sa nagpapatuloy na diyalogo sa pagitan ng Pilipinas at China.
Paliwanag ni Vice Admiral Alexander Lopez, kailangan ng ilang mga crew ng kaukulang tulong kasunod na rin ng kondisyong dinanas habang nakahimpil sa Escoda. Kailangan din aniyang sumailalim sa repair ang pinakamalaking barko ng PCG.
Una na ring sinabi ng NMC na dati nang naglayag ang barkong papalit sa BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal. Gayunpaman, hindi pa tinutukoy kung anong barko ang mananatili sa naturang bahura.